Ang konstelasyong Leo mula sa dagat ko
ni Charlie Samuya Veric
Ikaw ang hilo na hatid ng along magalaw.
Parang pag-idlip sa ere, parang pagtulog sa tubig:
Ang pagsabog ng tubig sa ere.
Kapag naalala kita, sumisisid ako
Sa kung anong lawa sa kung anong tagong tuktuk
Ng bundok. Hubad na lumalangoy sa kung anong ilog
Sa kung anong tagong lalim ng kuwebang ilog.
Dahil ang pag-isip sa pangalan mo’y pag-amin
Na may lihim na dagat sa aking loob.
At kapag gumalaw ka sa iyong pagtulog
Sa kabilang dako ng mundo, umaalon sa dagat ko.
Nahihilo ako.